TATLONG araw bago pa man magwakas ang buwan ng Hulyo, nanawagan na sa publiko ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kaugnay ng magiging lagay ng panahon sa pagpasok ng buwan ng Agosto.
Sa pagtataya ng PAGASA, dalawa o tatlong bagyo ang inaasahang papasok sa Philippine area of responsibility (PAR) sa susunod na buwan, batay sa climate outlook para sa susunod na buwan.
Gayunpaman, nilinaw ng ahensya na walang katiyakan kung magla-landfall ang mga naturang sama ng panahon bagamat isa lang anila ang sigurado – palalakasin ng mga naturang bagyo ang habagat.
Sa talaan ng PAGASA, tatawagin ang mga naturang bagyo sa pangalang “Dindo”, “Enteng” at “Ferdie”.
