Ni ESTONG REYES
TALIWAS sa posisyon ng Office of the Solicitor General, nanindigan ang isang mambabatas na higit na kailangan ng isang batas para hindi na makabwelta pa ang offshore gaming operations sa bansa.
Pangamba ni Senador Grace Poe, hindi malayong muling mamayagpag ang POGO pagbaba sa pwesto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. – maliban na lang kung may isang batas na tuluyang magbabawal sa operasyon ng mga kumpanyang pinaniniwalaang nasa likod ng ahabang talaang ng panloloko sa mga pobreng Pilipino, human trafficking, kidnapping, torture, money laundering at iba pa.
Ayon sa mambabatas na tumatayong chairperson ng Senate Committee on Finance, malaki ang posibilidad na makabalik ang POGO kung ang papalit sa pwesto ni Marcos ay isang pro-POGO.
“Kapag nagpalit kasi ang administrasyon, baka maiba ang ihip ng hangin, at makabalik sila. Kailangan mayroong batas,” wika ng senador sa isang panayam sa radyo.
Una nang sinabi ni Solicitor General Menardo Guevarra na sapat na ang Executive Order na nilagdaan ng Pangulo para tuldukan ang illegal POGO.
Maging si House Speaker Martin Romualdez, nagpahiwatig sa pangangailangan ng isang batas para tuluyang mawala ang POGO sa bansa.
Samantala, kinastigo rin ni Poe ang kabiguan ng Philippine National Police (PNP) na tuldukan ang operasyon ng on;line sabong – sa kabila pa ng polisiya ng gobyerno hinggil sa nasabing usapin.
“Yung online sabong bawal iyan pero alam naman natin mayroon pa rin,” aniya.
