Ni ESTONG REYES
KUMBINSIDO ang Senado na may milagrong nagaganap sa isang departamento kaugnay ng bilyon-bilyong pondong inilaan ng Kongreso para sa flood control program ng gobyerno.
Bilang pambungad na hakbang, nakatakdang isalang ng Senado ang mga opisyales ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa paniwalang may sabwatang nagaganap sa pagitan ng ilang tiwaling taong gobyerno at mga kontratistang ginawaran ng proyekto.
Ito rin aniya ang nakikitang dahilan sa likod ng nangyaring malawakang pagbaha sa Metro Manila at iba pang panig ng bansa.
Partikular na bubusisiin ni Senador Grace Poe ang dredging projects ng DPWH sa mga ilog, estero at iba pang daluyan ng tubig.
“Hindi natin makita ang totoong pruweba ng dredging,” wika ni Poe sa isang panayam sa radyo patungkol sa P244 bilyong pondong inilaan para sa flood control project ngayong taon.
Para kay Poe, napaka-imposibleng walang magandang ibunga ang P670 milyong pondo kada araw para tiyakin hindi lulubog ang Metro Manila at mga karatig probinsya kabilang ang Bulacan, at Rizal na kapwa lumubog bunsod ng bagsik ng nagdaang bagyo – maliban na lang aniya kung ibinulsa lamang ng ilang ang pero ng gobyerno.
“Parang ginagawang palanggana na itong Metro Manila at iba pang parte ng ating bansa samantalang napakalaki ng ginagastos ng gobyerno pagdating dito sa mga proyektong flood control diumano,” ngitngit ng senador.
“Saan ba napupunta ang proyekto?” tanong pa ng senadora.
