ISANG hayagang paglabag sa mga probisyong kalakip ng 1987 Constitution ang paglilipat ng P90-bilyong pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa national treasury.
Ito ang buod ng petition for certiorari na inihain ng iba’t ibang grupo sa Korte Suprema, kasabay ng hirit na ipagbawal ang nakagawiang fund transfer ng salaping may partikular na pinaglalaanan.
Ayon kay Gillian Roque ng grupong PSLINK, marapat na rin aniyang wakasan ang mga probisyon sa General Appropriations Act (GAA) na nagpapahintulot ng lipat-pondo ng mga government owned and controlled corporations (GOCCs) sa unprogrammed projects.
“Kailangan natin kwestyunin itong hindi makatarungang polisiyang ipinatupad. Kami na mga manggagawa, bilang direct contributors sa PhilHealth, ang aming panawagan ay huwag pong ilipat yung bilyong-bilyong pondo ng PhilHealth… dapat mapunta yan sa mga benepisyo ng mga manggagawa at mga mamamayang miyembro ng ahensya.”
Ayon naman kay Dr. Cielo Magno na tumatayong executive director ng Likhaan Centre for Women’s Health, dapat gamitin ang “excess fund” ng naturang ahensya sa benepisyo ng sa kababaihan.
“Yung PhilHealth benefits for women actually alam natin kapos. So, yung pag-transfer pa nito na hindi man lang nama-maximize para sa mga mahihirap at lalo na yung women, ito ay kailangang-kailangan pa nila at tingin namin walang karapatan ang gobyerno na ilipat ito,” himutok ni Magno.
Kabilang rin sa mga lumagda sa petisyon sina Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III, Aktibong Kilusan Tungo sa Iisang Bayan president Ernesto Ofracio, Dr. Junice Melgar, Dr. Minguita Padilla, Atty. Dante Gatmaytan, Atty. Barry Gutierrez, Sentro ng Mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa, Inc., at ang Philippine Medical Association.
