Ni LILY REYES
ARESTADO sa mga kabaro ang isang suspendidong pulis matapos mabisto ang pagnanakaw ng walong mamahaling bisikletang donasyon ng Quezon City government sa bike patrol unit ng Quezon City Police District (QCPD).
Ayon kay QCPD Director Brig. Gen. Redrico Maranan, kasama din inaresto sa Barangay Corazon de Jesus sa San Juan City ang siyam na buwang buntis na maybahay ng hindi pinangalanang pulis.
Base sa impormasyong ibinahagi ni Maranan, ang suspek na pulis na may ranggong corporal, ay dating miyembro ng district tactical motorized unit ng Quezon City Police District (QCPD).
Batay sa record ng pulisya pinatawan ng anim na buwang suspensyon ang suspek bunsod ng kasong administratibo.
Nadiskubre ang pagnanakaw sa QCPD headquarters sa Barangay Botocan noong Biyernes, Agosto 2 bandang 6:30 ng umaga nang magsagawa ng inspeksyon ang mga opisyal ng pulisya sa mga bisikletang inisyu ng Quezon City government sa QCPD.
Sa sumunod na imbestigasyon, nadiskubre na binebenta na ang mga bisikleta sa Facebook Marketplace sa halagang P3,000 bawat isa.
Nang makipag-ugnayan ang mga awtoridad sa nagbebenta, sinabi nitong binili niya ang mga bisikleta sa pulis sa halagang P24,000, na inihatid pa ng pulis at ng kanyang asawa.
Nasa kostudiya na ng QCPD District Special Operations Unit ang mga suspek.
