Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
BUKOD sa pinalawig na termino, nakatakdang isulong ng Kamara kapakanan sa pagtanda ng mga opisyales ng mahigit sa 42,000 barangay sa bisa ng buwanang pensyon na kabilang sa mga benepisyong alok ng Social Security System (SSS).
Sa pagdalo Liga ng mga Barangay National Congress, partikular na tinukoy ni House Speaker Martin Romualdez ang pagbalangkas ng isang panukalang batas na magbibigay-daan para maging awtomatikong miyembro ng SSS ang mga kapitan at kagawad ng barangay bilang pagkilala sa sakripisyong kalakip ng pagseserbisyo.
Paglilinaw ni Romualdez, hindi na kailangan pang maghulog ng buwanang kontribusyon sa sandaling maging SSS member.
Bukod sa pensyon, kabilang rin sa gagapangin ng Kamara ang life insurance para naman sa mga mauulilang pamilya.
Bilang paunang hakbang, nakipagpulong na din umano siya kay SSS President Rolando Macasaet para sa isinusulong niyang automatic membership ng mga nanunungkulan opisyal ng barangay.
“Nagkaroon kami ng pag-uusap kamakailan ng Pangulo ng SSS upang matugunan ang inyong pangangailangan sa proteksyon o seguridad habang kayo ay nasa serbisyo,” sabi pa ng lider ng Kamara.
“Umaasa ako na sa lalong madaling panahon, lahat kayo ay magiging miyembro na ng SSS. Sa sandaling mangyari ito, agad na kayong mabibigyan ng life insurance at sa patuloy na pag-iipon natin sa pondo ng SSS, maaari rin kayong mag-qualify sa lifetime pension.”
Una nang naghain ang lider ng Kamara ng isang panukalang batas na naglalayong paliwigin ang termino ng mga halal na opisyales sa anim na taon.
