TIMBUANG sa magkahiwalay na insidente ng ambush ang dalawang barangay chairman sa bayan ng Sultan Kudarat.
Sa ulat ng Philippine National Police (PNP), unang napaslang sa ambush si Kapitan Esmael Latip Mustapha ng Barangay Bulibod, at ang asawang nakilala sa pangalang Rahman Maulana na tumatayong barangay secretary.
Batay sa kwento ng mga nakasaksi sa insidente, pauwi na umano ang mag-asawa nang pagbabarilin ng anim na suspek.
Ayon naman sa imbestigador, nakarekober ang Scene of the Crime Operations (SOCO) unit mga basyo ng bala mula sa iba’t-ibang klase ng mataas na kalibre ng baril sa lugar kung saan naganap ang ambush.
Samantala, patay rin sa isa pang insidente ng ambush si Kapitan Amado Serra na tumatayong chairman ng Barangay Laguilayan matapos paulanan ng bala ang minamanehong sasakyan Lunes ng gabi.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril para matukoy at mahuli ang mga salarin.
