SA layong dalawang metro, nagawang ilagan ng isang konsehal ang bala mula sa baril ng salaring nagtangkang tapusin ang kanyang karera sa pulitika sa Barangay Camias, bayan ng San Miguel sa lalawigan ng Bulacan.
Sa ulat ng lokal na pulisya walang tinamo maski galos si San Miguel Municipal Councilor Richard dela Cruz na malapitang binaril ng isa sa dalawang hindi pa natutukoy na suspek na di umano’y nagpanggap na mangungupahan sa gusaling pag-aari ng konsehal.
Batay sa paunang imbestigasyon ng lokal na pulisya, dakong alas-10:04 ng umaga nang magsadya ang isa sa mga suspek sa commercial building ng biktima at nagpanggap na uupa sa isa sa mga stalls ng konsehal.
Habang nakikipag-usap, bumunot di umano ng baril ang isa sa dalawang suspek at agad na nagpaputok sa direksyon ni dela Cruz.
Gayunpaman, himalang nailagan ng konsehal ang bala – tagpong lubhang ikinagulat ng mga suspek na mabilis na tumakas sakay ng motorsiklong nakaparada hindi kalayuan sa gusali ng lokal na opisyal.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng San Miguel Police Station sa hangaring tukuyin ang motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek.
