DEAD-on-the-spot ang isang 35-anyos American national matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa bayan ng Teresa, sa lalawigan ng Rizal.
Sa ulat ng lokal na pulisya, nangyari ang insidente Biyernes ng gabi sa madilim na bahagi ng Barangay San Roque.
Batay sa kwento ng ilang mga residente sa nasabing lugar, naglalakad umano ang hindi pinangalanang Kano nang biglang lapitan ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo.
Ilang saglit pa, nagdeklara ng holdap ang mga suspek na armado umano ng patalim. Gayunpaman, pumalag ang biktima hanggang sa tuluyang tumakbo ang mga sinasabing holdaper.
Lingid sa kaalaman ng banyaga na reresbak ang mga suspek na may bitbit na baril. Muling nilapitan ang biktima at walang habas na pinaputukan hanggang sa humandusay.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang tukuyin at dakpin ang mga suspek.
