Ni HERNAN MELENCIO
NAGTAPOS sa isang masigabong palakpakan sa gitna ng mga kapalpakan ang apat-na-araw na Democratic National Congress sa Chicago, Estados Unidos. Sa labas, bantay-sarado ng mga pulis ang libu-libong taong nagpoprotesta sa genocide na ginagawa ng US at Israel sa Gaza Strip.
Ito ang kauna-unahang naka-livestream na malawakang pagmasaker ng mga bata at pagsira sa isang buong siyudad na nasasaksihan ng mundo.
Hinubad ng partidong Democrat ang lahat ng mga pagkukunwari na demokratiko ito at nakikinig sa kagustuhan ng mga mamamayang Amerikano. Isang sarbey sa US ang nagsabing 55% ng mga Amerikano ang tutol sa pagpapadala ng gobyernong Kano ng mabibigat na sandata, kabilang ang 2,000-pound bombs, sa Israel para gamitin laban sa mga Palestino.
Hindi nila pinaporma sa pagtitipon ang nag-iisang Palestinong Democrat na nakaiskedyul sanang magsalita at hinarang ang anumang pagtatangka ng ilang tao sa kumbensyon na maglahad ng saloobin laban sa genocide at pag-aarmas sa mga Zionista.
Ganito ang asta ng halos lahat ng mga pulitikong Kano, Democrat man o Republican, dahil naglalaway sila sa perang pinamumudmod ng Zionist lobby – ang American Israel Public Affairs Committee (AIPAC) – lalo na tuwing eleksyon. Oo, sa US hindi itinatago ang walang-kahihiyang pagtanggap at paghingi ng pera ng mga pulitiko sa mga bilyonaryong kapitalista na nasa likod ng mga lobby group.
Bilang patunay, nagtatalong parang matsing ang mga senador at kongresman noong pinagsalita nila si Benyamin Netanyahu sa US Congress kamakailan. Paulit-ulit na standing ovation ang ibinigay nila. Halos himatayin sila at kulang na lang himurin ang kwan ni Netanyahu sa tuwing magsasalita ito.
Kahit ang mga tinatawag na “progresibong” Democrat kuno na sina Bernie Sanders at Alexandria Ocasio-Cortez, na noong simula’y tutol kunwari sa genocide e biglang nagtambling at sinabing kakampi sila ng mga nagtataguyod ng genocide. Ayaw kasi nilang hindi maambunan ng pera ng AIPAC at maiwan sa pansitan.
At ano ang maaasahan kay Kamala Harris na opisyal nang kandidato sa pagkapresidente? Gaya ng naunang mga presidente ng Amerika, sagad sa buto ang pagsuporta nito sa teroristang Israel. “I will always stand up for Israel’s right to defend itself,” sinabi niya, not once but twice (actually numerous times).
Inulit niya ang mga kasinungalingang may naganap na malawakang reyp noong lumusob ang Hamas sa Israel noong Oktubre 7. Sinabi na ng UN, pati ng ilang pahayagan sa US at UK at mismong Israel na walang ebidensya ng reyp at pagsunog at pagpugot ng ulo ng mga sanggol ang Hamas nung petsang yun.
Ang may ebidensya eh yung pagpapatupad ng Hannibal Directive ng Israel. Ito ang pagpatay ng mga sundalong Israeli sa mismong mga mamamayan nito para hindi raw makuha ng kalaban at gamitin sa negosasyon. Kaya marami sa 1,200 na namatay (mga 700 na sibilyan) noong Oktubre 7 e sila mismo ang pumatay.
Pero inulit ni Harris ang propaganda ng Israel para bigyang katwiran ang maramihang pagpatay ng mga sibilyan – karamihan ay bata – sa Gaza. At para suyuin ang mga nagpoprotesta sa labas, sinabi niyang nagdurugo ang puso niya sa mga namatay sa Gaza at nananawagan siya ng ceasefire – na napakadaling gawin kung talagang gugustuhin. Sino ba ang nasa poder?
Itigil lang nila ang pagbibigay ng armas at pera sa Israel, tapos ang boksing. Pero kaaapruba lang ng US Congress at ni Genocide Joe Biden ng $26 bilyong bagong ayuda sa Israel.
Pilit nilang pinalalabas na parang natural na kalamidad lamang ang sinapit ng mga Palestino sa Gaza, at kahit sa West Bank at East Jerusalem. Naaantig kuno ang damdamin nila pero ayaw nilang kilalaning ang alaga nilang asong ulol – ang Israel – ang pumapatay, gumugutom, nangto-torture, nangrereyp at nang-aagaw ng lupa ng mga Palestino at sumisira sa mga paaralan, ospital, mosque, simbahan at mga institusyon sa teritoryo.
