WALANG pinag-iba ang KOJC compound sa Davao City at mga illegal POGO hubs sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga. Bakit kamo? Dangan naman kasi, kapwa sila hitik sa “misteryo at kababalaghan.”
Nang salakayin ang illegal POGO hubs sa Bamban at Porac, laking gulat ng mga operatiba ang kanilang natuklasan – mga torture chamber, putahan, cubicle na parausan, scam farms, kulungan para sa mga dinukot at iba pang kasuklam-suklam ha aktibidad.
Nang ganap na makapasok ang mga pulis sa KOJC Compound, gayundin ang reaksyon ng mga operatibang inatasan hanapin at isilbi ang mandamiento de arresto laban sa nagmamay-ari ng 30-ektaryang KOJC compound.
Sa laki pa lang ng paghahanapan, walang dudang pahirapan. Idagdag mo pa ang mga lihim na lagusan, underground bunker at mga tunnel na posibleng daanan ng puganteng si Pastor Apollo Quiboloy para makaiwas sa awtoridad.
Ang masaklap, ang matandang hukluban na katiwala ni Quiboloy umeeksena rin kesyo overkill ang operasyon at hayagang paglabag (daw) sa karapatang pantao. Nakuha pa niyang mag-organisa ng barikada at kilos protesta (pero prayer rally ang nasa permit ng lokal na pamahalaan) ng mga sibilyang wala naman kinalaman sa krimen ni Quiboloy.
Fast forward tayo. Nakapasok ang mga pulis at sa kanilang paggalugad sa KOJC compound tumambad ang unang misteryo — dalawang indibidwal na kapwa aminadong ikinulong sila sa KOJC compound matapos silang sunduin sa kani-kanilang lalawigan kinalakihan.
Ang 21-anyos na lalaki sinundo sa Samar dahil pinangakuan pag-aaralin sa isang matinong eskwelahan. Iba naman ang kwento ng 53-anyos na babaeng naglahong parang bula sa Cotabato City at nagising na lang na nakakulong na sa KOJC compound.
Tatlong taon hindi nilang hindi man lang nasilayan ang sibilisasyon. Ang masaklap ginawa pa silang alila. Hindi ako abogado, pero sa aking abang pananaw, posibleng biktima sila ng human trafficking.
Malalim ang pagkakaibigan nina Quiboloy at Digonyo. Katunayan, walang nakasaling kay Quiboloy sa mga panahong si Digonyo ang bida sa Palasyo kahit pa dawit na sa iba’t ibang krimen ang lider ng KOJC – human trafficking, child-abuse, smuggling, money laundering at panghahalay sa mga kababaihang miyembro.
Pero nanahimik si Digonyo.
Bakit nga naman hindi? Malaki yata ang ambag ni Quiboloy sa tagumpay ni Digonyo noong 2016 presidential derby. Bukod kasi sa perang ginamit sa kampanya, inobliga ni Quiboloy ang mga KOJC members na iboto ang kanyang “deputado.”
Deputado ba kamo? Oo, isa lang siyang sunud-sunuran kay Quiboloy. Sa madaling salita, hindi si Digonyo ang amo – tuta lang siya ni Quiboloy.
