PALAISIPAN sa hanay ng mga pulis kung paano nakalusot sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang nadiskubreng underground taxiway na nagdurugtong sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Compound sa Buhangin District at Davao International Airport.
Sa pagpapatuloy ng paghahalughog ng mahigit sa 2,000 unipormadong pulis sa KOJC Compound, bistado rin ang secret hallway at isang underground cathedral sa 30-ektaryang lupang pagmamay-ari ng puganteng Pastor Apollo Quiboloy.
Gamit ang mga makabagong ground penetrating radar, tiniyak din ng mga operatiba na tibok ng puso ang rumehistro sa naturang gadget na kahalintulad ng ginagamit ng Federal Bureau of Investigation para matunton ang mga wanted na personalidad sa Estados Unidos.
Ayon kay Col. Jean Fajardo na tumatayong tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), malawak na ang napasok ng mga operatiba, kasabay ng giit na nalalapit nang matunton ng mga pulis ang eksaktong pinagtataguan ni Quiboloy.
“Marami na tayong napuntahan without revealing the exact location, but we are confident na papalapit tayo doon sa kung saan yung exact location nung mga hinahanap natin,” wika ni Fajardo.
