Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
ISANG bagong anyo ng ayuda ang inilunsad ng administrasyong Marcos para tiyakin ang magandang kinabukasan ng mga senior high school students.
Sa isang kalatas, partikular ni tinukoy ni House Speaker Martin Romualdez ang “Tulong Eskwela Program” kung saan aniya hindi bababa sa 1.3-milyong estudyante sa antas ng senior high school ang agad na nabahagian sa P5.28 bilyong pondong sadyang inilaan bilang tulong pinansyal sa hanay ng mga kabataan.
Ayon kay Romualdez, ang Tulong Eskwela Program ang tugon ng Kamara sa direktibang binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang pinakahuling State of the Nation Address (SONA) nitong nakalipas na Hulyo.
Sa talumpati ni Marcos, inatasan ang Kongreso na gumawa ng hakbang para umusad ang sektor ng edukasyon gamit ang teknolohiya at modernisasyon – mensaheng aniyang nagtulak sa Kamara para balangkasin ang “Tulong Eskwela Program.”
“Ang Tulong Eskwela ay ang ating tugon sa hamon ng ating mahal na Pangulo sa kanyang huling SONA. At ang ating senior high education system ay malaking bahagi ng repormang ating ipinapatupad sa sektor ng edukasyon,” wika ni Romualdez.
“Kadalasan ay kinakapos ang mga magulang sa pagtustos sa pagtatapos ng kanilang mga anak sa senior high school. At kapag hindi nagtapos, mahirap makakuha ng trabaho at mahirap magkaroon ng kontribusyon sa ating mga komunidad,” dugtong niya.
Paliwanag pa niya, ang naturang inisyatiba ay nakatuon sa pagtulong sa mga senior high school student at magulang na maibsan ang bigat ng gastusin sa pagpasok sa eskwela, na nagiging dahilan para ang iba ay tumigil sa kanilang pag-aaral.
“This initiative is designed to alleviate the financial burdens that often hinder our senior high school students from realizing their full potential. By providing critical financial assistance to families across the nation, we are ensuring that education remains a reachable goal for every Filipino child, regardless of their economic background,” paglalahad pa ng Leyte lawmaker.
Sabay-sabay na inilunsad kahapon sa 220 lugar sa iba’t ibang panig ng bansa ang naturang programa kung saan tinukoy ang 3,000 magulang ng senior high school student na benepisyaryo ng Ayuda para sa Kapos Ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Bukod dito, nasa 3,000 benepisyaryo rin ang matutulungan sa ilalim naman ng Tulong Panghanapbuhay Sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng DOLE.
“The integration of AKAP and TUPAD within the Tulong Eskwela Program not only provides immediate relief but also employment opportunities for the families of our students. This dual approach ensures that we are addressing both the short-term and long-term needs of our communities,” ani Romualdez.
Sa kabuuan, target ng ‘Tulong Eskwela Program’ ang nasa 660,000 magulang na mabigyan ng tig-P3,000 mula sa AKAP at tig-P5,000 naman ang 660,000 benepisyaryo ng TUPAD o kabuuang P5.28 bilyong halaga ng financial assistance. Ang pamamahagi ng financial assistance ay magtatagal hanggang bukas.
Umaasa si Speaker Romualdez na sa pamamagitan ng isinusulong nilang programa, magkaroon ng inspirasyon at lalong magsikap ang mga estudyanteng Pilipino na maabot ang kanilang pangarap sa buhay.
“Education is the cornerstone of progress, and it is through education that we can empower the next generation to lead our nation to greater heights. By enabling the youth to continue their education, we are investing in the development of a skilled, knowledgeable and potent workforce,” dagdag pa niya.
“Simula pa lamang ito ng isang programang balak nating gawing pangmatagalan. Sa mga magulang ng ating mga senior high students, nawa’y maitawid natin sa tagumpay ang ating mga minamahal na anak. Kasama nyo ang pamahalaan sa pag-abot ng tagumpay.”
