Ni BERNARD TESTA
HINDI maikakaila ng gobyerno ang mabilis na pagbagsak sa sektor ng agrikulturang kinabibilangan ng mga magsasaka.
Nakakalungkot isipin na silang nagbubungkal pa ng lupa ang halos walang makain. Dangan naman kasi, hayagan ang panggugulang ng mga negosyante habang pikit-mata naman ang mga tiwali sa gobyerno.
Ang masaklap, pati ang sakahang tanging inaasahan, kinakamkam pa ng mga gahaman.
Ang bukid na binubungkal noon, mistulang subdivisions, resort at golf courses na ngayon. Ang dahilan — malawakan at maanomalyang land conversion.
Hindi na rin nakapagtatakang pinakamalala ang kahirapan sa hanay ng mga magbubukid (31.6%), kasunod ang mga mangingisda (26.2%), at mga naninirahan sa kanayunan (24.5%).
Bagamat meron pa naman piniling ipagpatuloy ang pagsasaka, problema naman nila kung paano sasabay sa merkado kontra sa mga bigas, gulay prutas at iba pang inaangkat sa ibang bansa — kung hindi man ini-ismagel sa tulong ng mga korap sa Bureau of Customs.
Ang tugon ng gobyerno, kapirasong ayudang anila’y katuparan ng pangako.
