HINDI pa man nag-iinit ang talampakan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), agad na pinabalik sa bansang pinagmulan ang tatlong banyagang aminadong hangad lang sumali sa kilos protesta laban sa di umano’y panggigipit ng gobyerno kay Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Ayon kay Bureau of Immigration Commissioner Norman Tansingco, inamin nina Jessica Lynn Henry, Mimielianna Annie Anak Leesoi at Andrijosebaul Anak Garra na pawang Malaysian nationals, na sila’y mga miyembro ng KOJC.
Pakay di umano nilang suportahan ang lider ng sektang kinabibilangan.
“The Malaysians have been placed in the immigration blacklist and banned from entering the country,” saad ng BI.
Agosto 27 nang dumating sa bansa ang tatlong Malaysian nationals na nagmula pa sa Kuala Lumpur.
“Foreigners have no business interfering in the country’s internal political affairs, thus aliens who join these protest actions can be expelled for violating our immigration laws and for being undesirable aliens,” paliwanag ni Tansingco.
Batay sa ulat ng mga kawani ng Immigration bureau sa NAIA, sinabi di umano ng tatlong Malaysian nationals na sila’y inimbitahan ng KOJC na magtungo sa Davao City.
Samantala, patuloy ang tensyon na nagaganap sa KOJC Compound sa Buhangin District sa Davao City kung saan pinaniniwalaang nagtatago si Quiboloy na nahaharap sa mahabang talaan ng mga kasong kriminal sa husgado.
