MULA sa temang “MindaNOW: Serbisyo Para sa Mindanao,” inilunsad ang dalawang araw na Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa Davao City kung saan pumalo sa P1.2-bilyong halaga ng iba’t-ibang programa ng pamahalaan at cash assistance ang ipinagkaloob sa 250,000 residente ng lungsod.
Sa pamamagitan ng ugnayan ng Kamara at Mindanao Development Authority (MinDA), na pinamumunuan ni Sec. Leo Tereso Magno, idinaos ang Davao-leg ng serbisyo caravan sa balwarte ni Vice President Sara Duterte – ang Davao City. region.
“Nagbalik tayong muli dito para ipabatid ang mensahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mahalaga ang mga taga-Mindanao sa Bagong Pilipinas. No one is left behind. Iyan ang nais ipabatid ng ating mahal na Pangulo sa lahat ng binisita ng BPSF sa ating bansa,”wika Speaker Martin Romualdez sa isinagawang serbisyo fair sa University of Southeastern Philippines.
“At dahil sa pagkakaisa ng mga opisyal at kawani ng pamahalaan, kasama ang mga miyembro ng Kongreso, muli tayong nakapaghatid ng serbisyo’t tulong sa mga taga-Davao. Isusulong natin ang Bagong Pilipinas na ang lahat ng programa ng gobyerno, nadarama ng bawat Pilipino,” dagdag pa ng lider ng Kamara.
Sa pasada ng ika-23 serbisyo caravan, katuwang ng MinDA sina TINGOG partylist Reps. Yedda K. Romualdez at Jude Acidre; DUMPER PTDA Rep. Claudine Diana Bautista-Lim; PBA Rep. Margarita “Migs” Nograles; at MARINO Rep. Sandro Gonzalez.
Bukod sa Davao City, una nang pinasadahan ng serbisyo caravan ang Monkayo, Davao de Oro at Tagum City sa Davao del Norte.
Ayon kay House Deputy Secretary General Sofonias Gabonada, Jr., isa sa namamahala sa BPSF sa Davao City leg, nasa 38 government agencies ang lumahok para ihatid ang 57 iba’t-ibang programa kabilang ang P1-bilyong halaga ng cash aid para sa indigent citizens.
Dagdag pa niya, nasa 150,000 beneficiaries ang napaloob sa Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at 50,000 residente naman ang nabiyayaan ng Tulong Pang-hanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Patunay naman sa bansag na “Mr. Rice,” pinamunuan ni Romualdez paghahatid ng kalahating milyong kilo ng bigas na ipinamahagi sa iba’t-ibang benepisyaryo sa dalawang araw na BPSF sa Davao City.
“Marami tayong dapat ipagpasalamat at ipagdiwang. Nakaisang taon na ang BPSF at bilyon-bilyon na ang naipamigay ng administrasyong Marcos sa 2.5 milyong pamilyang Pilipino. Marami pa tayong aabutin sa mga susunod na araw at buwan, susuyurin natin ang lahat ng 82 na lalawigan,”pagtatapos ni Romualdez. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
