MULING nanindigan si Commission on Elections (Comelec) chairman George Garcia na trabaho ng pinamumunang ahensya tanggapin ang paghahain ng kandidatura ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo.
Gayunpaman, nilinaw na ni Garcia na may dalawang paraan para hindi makatakbo sa posisyon si Guo — ang petition for disqualification at temporary restraining order mula sa husgado.
Ayon kay Garcia, tatanggapin ng Comelec ang certificate of candidacy (COC) ng dating alkalde ng Bamban sa sandaling maghain ng kandidatura para sa nalalapit na 2025 midterm election.
Kabilang aniya sa mga batayan para sa disqualification ang deklarasyon ng nuisance candidate, isang petisyon na naglalayong kanselahin ang COC dahil sa edad at pagkamamamayan, at ang desisyon ng Ombudsman na magpataw ng perpetual disqualification mula sa paghawak ng pampublikong tungkulin.
“Kapag ang isang tao na-perpetually disqualified to hold public office dahil may decision of the Office of Ombudsman, ika-cancel po ang candidacy niya kahit pa yung taong yan ay naka-appeal sa Court of Appeals, unless mag-issue ng TRO ang CA doon sa kanyang kaso sa Office of the Ombudsman,” ani Garcia.
Una nang sinabi ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na walang poder ang poll body na awtomatikong kanselahin ang COC ni Guo dahil umaasa sila sa desisyon ng Ombudsman.
Kamakailan lang nang kumpirmahin ni Atty. Stephen David na tumatayong abogado ng kontrobersyal na former mayor na maghahain ng COC para Bamban mayor sa Martes si Guo.
Kasalukuyang nakapiit sa Pasig City Jail si Guo na nahaharap sa kasong graft, qualified human trafficking, money laundering, at tax evasion dahil sa umano’y pagkakasangkot niya sa Philippines Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa kanyang bayan.
Noong Agosto nang tanggalin ni Guo sa pwesto bilang alkalde ng Bamban.
