
SA ilalim ng umiiral na batas, mahigpit na ipinagbabawal sa mga dayuhan lumahok sa halalan, ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla.
Partikular na kinastigo ni Remulla ang di umano’y planong paghahain ng kandidatura para sa 2025 local election ni former Bamban Mayor Alice Guo na sinibak sa pwesto kaugnay ng mahabang talaan ng kasong inihain sa husgado.
Bukod sa mga kasong kriminal, hindi rin aniya pwedeng tumakbo si Guo. Ang dahilan – isa siyang pekeng Pilipino, kasabay ng diin na hindi kwalipikado ang sinibak na alkalde ng bayan ng Bamban sa lalawigan ng Tarlac.
“She’s not Filipino and she bears falsified documents.”
Gayunpaman, hindi tinugon ni Remulla ang mga katanungan ng mga mamamahayag hinggil sa gagawing hakbang ng DOJ sa sandaling magsumite ng Certificate of Candidacy (COC) para sa posisyon ng mayor si Guo.
“We’ll cross the bridge when we get there,” aniya pa.
Una nang inihayag ni Atty Stephen David ang napipintong paghahain ng COC sa susunod na linggo para sa kandidatura ni Guo na sinibak ng Ombudsman sa pwesto bilang Bamban Mayor kaugnay sa mga nadiskubreng ilegal na aktibidad ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub hindi kalayuan sa kanyang tanggapan sa munisipyo.
Kinansela na rin ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Philippine passport ni Guo matapos magtugma ang biometrics ng dating alkalde kay Guo Hua Ping, isang Chinese national.