HABANG nakatutok ang pamahalaan sa pagbabantay sa mga Chinese nationals sa likod ng mga Philippine Offshore Gaming Operations, abala naman ang ilang negosyanteng Pinoy sa pagtatayo ng sariling scam farms halaw sa modus ng mga Tsino.
“Ang nakakatakot yung indigenous scam farm na ang nagpapatakbo ay mga Pilipino. Ito na nga ang nakikita natin. May mangilan ngilan nang sumubok,” pag-amin ni Director Winston Casio na tumatayong tagapagsalita ng Presidential Anti-Organized Crime Commission.
“Ang tanong bakit? Kasi napakalaki ho ng pera,” bulalas ng PAOCC spokesperson.
Katunayan aniya, kabilang sa pinakahuling sinalakay na establisyementong sentro ng scam farms ay pinangangasiwaan, kung hindi man pag-aari ng mga Pinoy na kabilang sa mga nawalan ng trabaho matapos lagdaan ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang executive order na nagbabawal sa lahat ng POGO.
“Mga beterano po ‘yun na nanggaling doon sa mga na-raid na pong mga illegal na pasugalan at sa mga online scam hub natin na tinatawag,” wika ni Casio matapos ang idinaos na pakikipag pulong kay Executive Secretary Lucas Bersamin.
“Na-realize na po ng Commission yan. Napag-usapan na ng mga direktor yan at naiprisinta na po namin kay Executive Secretary na darating ang panahon na itong mga Pilipino, matututo at matututo, makakaipon ng sapat na pondo, lakas ng loob, network, koneksyon, at sila na ang magsisimula,” ani Casio.
