DAHIL na rin sa nakaambang dagdag-singil sa paggamit ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), tatlong airline companies ang naghain ng petisyon para sa dagdag-pasahe ng mga biyahero.
Ayon Kay Civil Aeronautics Board (CAB) Deputy Executive Director Maria Elben Moro, Agosto pa (isang buwan bago ang pagpasok ng New NAIA Infrastructure Corp.) nang isumite ng mga airline companies sa nasabing ahensya ang petisyon.
“In anticipation of the turnover, meron nang discussion tungkol sa pagtaas ng mga takeoff and landing fees,” wika ni Moro sa isang panayam sa radyo.
“Meron po kasing tinatawag na parang terminal enhancement fees under doon sa Administrative Order 1. Ito po yung pagtaas ng mga pag¬singil sa tacking fee na tinatawag nila. Mga airport processes ito, for airport procedures, kagaya ng takeoff and landing fees, pagha-handle sa mga pasahero,” dugtong ni Moro.
Bagamat tumanggi si Moro ilahad ang halagang hirit sa dagdag-pasahe sa eroplano, tiniyak naman ng naturang opisyal na dadaan sa legal na proseso ang hirit na dagdag-pasahe. Kabilang aniya sa mga isinasagawa ng CAB ang pagdinig at public consultation sa mga apektado ng nabanggit na petisyon.
“In behalf of CAB, asahan po siguro ng ating mga pasahero na pag-aralan natin mabuti ito at siguraduhin na hindi naman, kung saka-sakali man… kung kinakailangan talaga magpataw ay maging patas ito at magiging fair naman sa ating mga mananakay.”
“Hindi naman maging ganun kabigat sa bulsa, na d’yan pa rin na mananatili yung promo fare para patuloy pa tayong makapagbiyahe,” pagtatapos ni Moro.
