ANG dating pagkadismaya, mistulang napalitan ng pag-aalala kay Gng. Myla Roque na unang napaulat na tumakas patungo sa ibang bansa para makaiwas sa arrest warrant na inilabas ng Kamara.
Ayon kay Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, nasa Singapore umano ang asawa ni former Presidential Spokesperson Harry Roque na si Myla para magpatingin sa mga dalubhasa sa larangan ng medisina.
“Meron kasi siyang letter sa amin, sinasabi niya na nagpa-checkup yata siya sa Singapore at mula noon ay hindi na bumalik,” wika ni Barbers sa isang panayam.
“I hope nothing serious is happening to her kasi sa ganun katagal. We don’t know. We just hope and pray na walang serious medical issue,” dagdag pa niya.
Oktubre 11 nang i-cite in contempt at labasan ng warrant of arrest si Gng. Roque bunsod ng di umano’y pang-iisnab sa patawag ng quad comm na nag-iimbestiga sa illegal POGO operation sa bansa.
Bago pa man lumabas ang warrant of arrest, hiningan ng paliwanag ng quad comm si Gng. Roque na lumagda sa isang lease agreement sa mga Chinese nationals na sangkot sa illegal POGO sa Bamban, Tarlac.
Bukod kay Myla, target duin ng manhunt ang dating Palace official dahil sa hindi pagdalo sa mga pagdinig at kabiguan magsumite ng financial records sa nabistong paglaki ng yaman sa panahon ng administrasyong Duterte.
