DALAWAT kalahating buwan matapos lumabas ang executive order na nagbabawal sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), patuloy ang paggapang ng mga ulupong sa likod naman ng e-sabong.
Patunay niyan ang paghahain ng kandidatura ng isang IT expert na higit na kilala sa larangan ng online gambling tulad ng e-sabong. Target ng kumag na tawagin natin sa pangalang Joseph maging kinatawan sa kamara ng isa sa anim na distrito ng Maynila.
Ang totoo, walang batas na nagbabawal sa kanyang maghain ng kandidatura kung kwalipikado naman batay sa mga panuntunan ng Commission on Elections (Comelec). Una, Pinoy naman ang aspiranteng si Joseph. Taga-Maynila rin naman siya.
Gayunpaman, may agam-agam sa kanyang dahilan ng pagkandidato. Ano nga ba ang kanyang isusulong? Online gambling pa rin ba tulad ng kanyang trabaho sa ilalim ng World Pitmaster ni Atong Ang?
Bukod sa e-sabong, pasok din sa kanyang mga pinangangasiwaan negosyo ang online bingo, color game, pula-puti, karera at sandamakmak na betting stations sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa dami ng kanyang negosyo, asahan ang pagbaha ng pera sa kanyang puntiryang distrito.
Pero teka, ano ba itong natisod kong impormasyon – hindi na umano si Atong Ang ang kanyang amo. Naglevel-up na rin ang loko… mula sa pagiging empleyado, isa na siyang kasosyo ng isang Art A. na kasabay niyang lumayas sa kampo ni Atong Ang sa hangaring magpayaman ng todo gamit ang ideyang halaw sa online gambling na patok sa India.
Susmaryosep, tumiwalag na pala sa kampo ni Atong Ang si Art A. para patakbuhin ang sariling imperyo sa tulong ng IT expert na kandidato sa kongreso.
Ngayon alam ko na kung saan galing ang perang binayad sa private jet na ginagamit sa paglabas-masok sa bansa.
Wow! Parang si Quiboloy… may sariling eroplano!
