
SA sobrang karuwagan ng teroristang Israel, mga sanggol, bata, babae at mga taong walang kalaban-laban lang ang kaya nitong targetin sa tinatawag nitong giyera laban sa “terorismo,” na sa katotohanan ay laban sa mga sibilyan.
Kung tutuusin, mas masahol pa sila sa Nazi – na pinaghuhugutan nila ngayon ng inspirasyon – dahil mga sibilyan lang ang kaya nilang bombahin at imasaker. Naglulunsad din ang Israel ng holocaust sa Gaza Strip na pumatay na ng mahigit 180,000 Palestino simula pa noong isang taon at sa Lebanon ngayon na may 2,000 na ang pinapatay nito at maraming bahay pa ang binobomba simula pa noong isang linggo.
Taliwas sa sinasabi ni Kalihim Hans Leo Cacdac ng Department of Migrant Works na mga Shiite na Muslim lang ang target ng Israel, tinatarget din ng teroristang grupo ang mga Sunni at maging ang mga Kristiyanong komunidad sa Lebanon. Katunayan, wala itong pinipili.
Noong 14 Oktubre lang, 18 ang patay sa air strike na ginawa ng buhong na Israel sa isang Kristiyanong bayan sa hilagang Lebanon. Kailangang magbasa-basa ng balita itong si Cacdac at hindi puro propaganda ng Israel ang pinaniniwalaan. Kahit pinipigilan na ng mayorya ng mga bansa sa mundo, tuloy ang terorismo ng Zionistang Israel dahil alam nitong di ito pababayaan ng among US at mga alalay nito sa Kanluran na pawang mga terorista rin, kahit ano pa ang gawin nito.
Itinuturing ni Dayunyor at ni Cacdac na natural na kalamidad lang ang sinasapit ng mga mamamayan ng Lebanon at umaasa sila sa “kagandahang loob” ng Israel na Hezbollah lang tatargetin at hindi mga sibilyan, para hindi na nila kailangang ilikas ang mga Pinoy. Hindi nila naisip na ang ginagawa ng Israel ay giyera laban sa sibilyan.
Mga sibilyan ang biktima nito. Ipinipikit nina Dayunyor at Cacdac ang mata sa katotohanan at tinatanggap na pag-alalay lang sa mga Pinoy na gustong umuwi ang magagawa nila.
Sa ngayon may 488 Pinoy na ang nakauwi at may 500 pa ang naghihintay makauwi. Hindi pa nag-uutos si Dayunyor ng sapilitang pagpapauwi (may 11,000 OFWs sa Lebanon) dahil, so far, one-fourth pa lang naman ng Lebanon ang binalaan ng Israel na bobombahin, kabilang ang Beirut capital na halos araw-araw na inaatake.
Pero sa harapang bakbakan, taob ang mga sundalong Israeli sa Hezbollah sa hilagang Lebanon na gusto nilang pasukin. Limang Markava tanks na ang pinasabog ng Hezbollah at mahigit sampung sundalong IDF na ang napapatay nito sa labanan sa timog Lebanon sa loob lang ng isang linggo.
Nahihirapang ipatupad ng Zionistang Israel ang plano nitong pagsakop sa timog Lebanon – na nasakop na nito noong 1988. Ang pananakop na ito ang nagpaningas ng damdamin ng mga Lebanese na makalaya; nabuo ang Hezbollah noong panahong yun at tuluyang napalayas ang mananakop na Israeli noong 2006.
Walang binatbat ang Israel sa direktang labanan kahit armasan pa siya mula ulo hanggang paa ng US, UK, Germany, at mga teroristang bansa sa kanluran kaya dinaraan na lang nito sa asasinasyon ang laban.
Kaya nilang gawin yun sa tulong ng Mossad, na gaya ng padron nitong CIA, ay sanay sa dirty tricks. Napatay nito ang mga lider ng Hamas at Hezbollah, ginamit nitong armas ang mga sinaunang pager at walky-talky para atakihin ang mga kasapi ng Hezbollah pero pumatay rin ng maraming sibilyan, kabilang ang mga bata. Mismong si Leon Panetta, na dating director ng CIA, ang nagsabing terorismo ang ginawa ng Israel na ng pagpapasabog ng pager.
Gayunman, walang epekto ang taktikang asasinasyon ng Mossad at Israel dahil parang balon ang mga anti-kolonyal at anti-imperyalistang organisasyong ito na di nauubusan ng lider ilang beses mang igiban.
Napakarami nang atraso ng Zionistang Israel at wala itong sinasanto kahit ang UN. Inaatake nito kahit yung UN peacekeeping force sa timog ng Lebanon. Inuutusan ito ng IDF umalis kundi ay ituturing itong “human shield” at “hostage” ng Hezbollah. Sa maikling salita, pwede nilang patayin gaya ng ginagawa nila sa tinatawag nilang mga “human shield” at “hostage” sa Gaza.
Kamakailan, sinunog nila ng buhay ang mga tao sa ospital at tents sa hilagang Gaza at milyong tao ang nakapanood nito sa social media. Tigmak ng dugo ng mga sanggol, bata, kababaihan, senior citizen, peryodista, health worker, UN relief volunteer, at iba pa ang kamay at buong katawan ng Israel.
Pinandidirihan at kinasusuklaman ito ng buong mundo, iligal ang ginagawa nitong pagkamkam ng lupa sa West Bank at may katibayan na genocide ang ginagawa nito sa Gaza Strip ayon sa International Court of Justice.
Sinuri ng International Criminal Court – oo, yung ICC na gusto nating magparusa rin kay Gongdi at sa mga alipores nito – at naghahanda na ito ng arrest warrant kay Benyamin Netanyahu, pinuno ng Israel, at isa pang asungot para panagutin sa war crimes sa Gaza. Pero balewala sa teroristang Israel ang lahat nang ito, wala itong pakialam kahit naka-livestream ang genocide na ginagawa nito, dahil nariyan ang US na kasangga sa lahat nang ito (kahit nagpapanggap na gusto ng ceasefire at two-state illusion) at todo-bigay sa armas, pera, at suportang pulitikal at diplomatiko.
Hay, buhay.