NI EDWIN MORENO
SA lawak ng pinsalang iniwan ng bagyong Kristine, umabot na sa 158 lugar ang isinailalim sa State of Calamity, batay sa pinakahuling abiso ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa Bicolandia, mabilis na inaprubahan ng lokal na konseho ang resolusyon na nagbigay-daan para sa pagdedeklara ng state of calamity sa 78 lungsod at munisipalidad sa nasabing rehiyon – kabilang ang lalawigan ng Albay, Camarines Sur, Camarines Norte, Catanduanes, at bayan ng Bulan sa probinsya ng Sorsogon.
Pumangalawa naman ang Calabarzon sa kung saan 63 lungsod at munisipalidad ang nasa ilalim na rin sa state of calamity — kabilang ang buong Cavite, Batangas, Quezon, Tagkawayan, Mulanay, General Luna, Laguna, Santa Cruz, San Pedro City at Victoria
Hindi naman nagpaiwan ang Eastern Visayas kung saan 13 lugar ang nasa ilalim na ng state of calamity — Calbayog, Jipapad, Arteche, San Policarpo, Oras, Maslog, Dolores, Can-avid, Taft, Sulat, San Julian, Borongan, at Maydolong.
May mga piling lugar din sa Ilocos Region, Soccsksargen, Cordillera Administrative Region, at Metro Manila ang nasa ilalim ng state of calamity.
