NI EDWIN MORENO
NANANATILING mainit sa mata ng mga land grabbers ang lungsod ng Antipolo sa lalawigan ng Rizal kung saan inaresto ng lokal na pulisya ang nasa 23 security guards na ginamit sa tangkang pagkubkob sa isang sikat na establisyemento.
Ayon kay Lt. Col. Ryan Manongdo na tumatayong hepe ng Antipolo City Police Station, nagpanggap na customer ang 23 kalalakihang nang pasukin ang Cloud 9 Sports and Leisure Club sa kahabaan ng Sumulong Highway sa Barangay Sta. Cruz.
Kwento ng mga empleyado ng naturang establisyemento, dakong alas 5:00 ng hapon nang dumating ang mga suspek na sakay ng sakay ng tatlong sasakyan. Pagpasok sa Cloud 9, dumeretso di umano ang mga kalalakihan sa kapilya kung saan nagbihis ng kani-kanilang uniporme at pilit pinapalabas ang mga tauhan at mga parokyano.
Pakilala di umano ng mga suspek, sila’y mga security guards ng Northern Eyes Security Agency Corp. at inatasan protektahan ang pag-aari ng isang realty development company.
Gayunpaman, walang ipinakitang anumang dokumentong patunay na pag-aari ng nasabing kumpanya ang lupang kinatitirikan ng Cloud 9.

Agad naman tumwag ng saklolo sa pulisya ang isa sa mga may-ari ng Cloud 9. Pagdating ng mga rumespondeng pulis, agad na hinanap ang deployment order ng security agency at dokumentong patunay na sa inaangking establisyemento.
Nang walang maiprisinta, inaresto ang 23 kataong nahaharap sa kasong trespassing, usurpation, coercion at paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Act) matapos makunan ng mga baril.
Wala pang pahayag ang security agency at realty development company na umaangkin sa lupang kinatitirikan ng sikat na pasyalan.
