NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA hirap ng buhay, higit na angkop ibsan ang pasakit ng mga pangkaraniwang obrerong pilit pinagkakasya ang karampot na sweldo, ayon kay former Davao City Rep. Karlo Nograles.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Nograles ang sitwasyon ng mga delivery riders na aniya’y barya lang ang kinikita sa maghapong pagtatrabaho sa Davao City.
Para kay Nograles, hindi na dapat pagbayarin o pakuhanin ng business permits ng lokal na pamahalaan ang mga delivery riders sa naturang lungsod.
“Delivery riders are not business owners. Hindi sila negosyante, mga empleyado ang karamihan sa kanila. There are in fact Supreme Court decisions affirming that delivery riders are employees of various e-commerce platforms such as Grab and Food Panda,” diin ni Nograles.
“Hindi sila ang may-ari ng negosyo. So we don’t see the need nor the logic for imposing fees on them to operate individually as riders,” giit pa ng dating kongresista.
Nitong nakaraang Nobyembre 5, nagtipon-tipon ang mga miyembro ng United Davao Delivery Riders Association (UDDRA) sa harap ng Sangguniang Panlungsod para manawagan na huwag masaklaw ng City Ordinance No. 0291-17, o ang Davao City Revenue Code, na nag-aatas sa mga delivery rider na kumuha ng kani-kanilang business permit. Nasa 8,000 delivery riders sa naturang lungsod ang apektado ng ordinansang inamyendahan noong 2021.
Sa ilalim ng bagong bersyon, obligadong bayaran ng mga delivery riders na nakabase sa naturang lungsod ang annual renewal ng permit ay nagkakahalaga ng P1,720 hanggang P5,2000 depende sa modelo ng motorsiklo.
Ayon kay Nograles, na nagsilbi rin bilang chairperson din ng Civil Service Commission, hindi dapat inoobliga ang mga obrerong kumikita lang ng sapat — kung hindi man kapos – para tugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan.
Paglalarawan ni Nograles, mapanikil at pahirap sa mga delivery riders ang probisyon sa ordinansang may karampatang parusang tigil-hanapbuhay para sa mga susuway.
“Ang gusto nga natin, job generation for the people of Davao, hindi job loss. Ang laking pakinabang ng mga riders natin sa pang araw-araw na buhay. Malaki din ang benepisyo para sa ating mga kababayan sa Davao City. Mula food delivery, package delivery. Iwas traffic ang mga customer, tipid sa oras, at mas mapabilis ang transaksyon,” anang abogadong si Nograles.
“So bakit natin dadagdagan ang burden sa riders, pati na rin sa customers? Baka maging added cost pa iyan sa end-user, kasi hindi malayong gagawa ng paraan para bawiin ang pinambayad sa permit. Baka ipasa iyan sa customer. So it doesn’t make good business sense and in the end, everyone will suffer,” dagdag ng former congressman.
“Iyong regulasyong nagpapataw ng requirement sa business registration, kailangan ayusin at amyendahan yan. For our LGU, there are more creative ways of generating revenue from e-commerce. Hindi maganda na ang City Hall ay nagiging dagdag pahirap sa mga ordinaryong mamamayan na naghahanap buhay.”
