NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA mahigit dalawangpung taon sa Office of the Vice President (OVP), tanging si Vice President Sara Duterte lang ang nagkaroon ng kalahating bilyong confidential fund, ayon kay OVP Chief Accountant Julieta Villadelrey.
Partikular na tinukoy ni Villadelrey ang P500-million confidential fund na inilaan ng Kongreso sa tanggapan sa loob ng dalawat kalahating taon.
Kasabay nito, sinabi ni Villadelrey, gayundin nina OVP Administrative and Financial Services Director Rosalynne Sanchez, Chief Accountant Julieta Villadelrey, at Budget Division Chief Administrative Officer Kelvin Gerome Teñido na wala silang personal na nalalaman paano ginagamit ang nasabing pondo.
“Since Vice President Laurel’s time, this is the first instance that the OVP has been granted such a significant amount in confidential funds, correct?,” tanong ni Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability.
“As I recall, your honor, that is correct,” sagot ni Villadelrey kung saan ang P500 milyong confidential fund ay ibinigay umano ng tig-P125 milyon mula sa huling quarter ng 2022 hanggang sa ikatlong quarter ng 2023 at ang mga ito ay inilagay umano sa Good Governance Program ng OVP.
Sinabi naman nina Sanchez, Villadelrey, at Teñido wala silang “personal knowledge” kung paano ginamit ang confidential fund.
Dagdag ni Sanchez, sina Duterte, Special Disbursing Officer (SDO) Gina Acosta at Atty. Zuleika Lopez lang ang direktang may kinalaman sa pangangasiwa sa naturang pondo.
“When it comes to the confidential fund, your honor, it should be the special disbursing officer,” pahayag pa niya.
Aniya, si Acosta ay nagre-report kay Lopez, na siya namang direktang nakikipag-usap sa pangalawang pangulo. Kapwa taga-Davao sina Acosta at Lopez.
Bunsod nito, kumbinsido ang mga mambabatas na ang mga malalapit na opisyal ni Duterte lamang ang silang kumontrol sa P500 milyong confidential fund ng OVP sa nabanggit na panahon.
Bukod sa confidential fund ng OVP, iniimbestigahan din ang P112.5 milyong confidential fund ng Department of Education (DepEd) na ginastos sa panahon ng pamumuno ni Duterte.
