NI EDWIN MORENO
GANAP nang sumipa ang mining exhibit na bahagi ng pagdaraos ng sa ika-70 Annual National Mine Safety Environment Conference sa Camp John Hay, sa lungsod ng Baguio.
Sa isang mensahe, nanindigan si Engr. Louie Sarmiento na tumatayong presidente ng Philippine Mines Safety and Environment Association (PMSEA), malaking bentahe sa industriya ng pagmimina ang paglahok, tiwala at suporta ng hindi bababa sa 123 mining companies at exhibitors.
Sa temang “Endurance and Innovation for Sustainability,” Nobyembre 19 nang pormal na binuksan ang taunang mining conference kung saan karaniwang inilalatag ng mga dalubhasa sa larangan ng tinaguriang sustainable development, responsible mining, environment safety ang mga tamang pamamaraan, angkop ng polisiya, makabagong teknolohiya at obligasyon sa lipunan sa bisa ng tinatawag na corporate social responsibility.
Bukod sa PMSEA, kabilang rin sa mga nagtaguyod sa naturang pagtitipon ang Department of Environment and Natural Resources – Mines and Geosciences Bureau (DENR-MGB), Chamber of Mines of the Philippines, Philippine Safety of Mining Engineers, mga kumpanyang pasok sa pagmimina, quarry, mineral processing plants, suppliers, service contractor’s at iba’t-ibang professional organizations.
Pag-amin ni Sarmiento, nahaharap sa tinawag niyang “unique challenges” ang industriya ng pagmimina.
Gayunpaman, nilinaw ni Sarmiento na layon ng PMSEA balansehin ang programa ng pamahalaan sa imprastraktura, kasabay ng layuning protektahan ang kalikasan sa ilalim ng doktrina ng sustainable development.
