ISANG malakas na pagsabog ang yumanig sa hangganan sa dalawang lalawigan sa Negros Island matapos sumambulat ang Mount Kanlaon, hudyat para magdeklara ng Alert Level 3 ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang mga karatig bayan.
Sa ulat ng Phivolcs, dakong alas 3:00 ng hapon nang pumutok ang Mount Kanlaon, kasabay ng pagsuka ng magkahalong usok at abong may taas na 3,000 metro sa direksyon ng kanluran hanggang timog kanluran ng bunganga ng bulkan.
“Pyroclastic density currents or PDCs descended the slopes on the general southeastern edifice based on IP and thermal camera monitors,” saad ng Phivolcs sa unang abiso.
Itinaas na rin ng Phivolcs ang babala sa Alert Level 3 — “This means a magmatic eruption has begun that may progress to further explosive eruptions.”
Tumagal ng pitong minuto ang alboroto ng Mount Kanlaon.
Sa kapal ng ibinugang usok at abo, apektado ng ashfall ang mga lungsod ng Bago at La Carlota, at maging ang mga bayan ng La Castellana, Moises Padilla, at Isabela sa Negros Occidental.
Sinimulan na rin ang paglikas ng mga residenteng nakatira sa loob ng six-kilometer radius ng bulkan at maging yaong malapit sa ilog at iba pang daluyan ng tubig..
“We would expect lahars kaya nga paalala natin sa ating kababayan, kapag nakatira malapit sa sa ilog na nanggaling pa sa dalisdis ng bulkan ay mag ingat sila baka magkaroon ng lahar,” ayon kay Phivolcs director Teresito Bacolcol.
Suspendido na rin ang klase sa mga pribado at pampublikong paaralan sa mga lugar na apektado ng ashfall. (Lily Reyes)
