SA nalalapit na pagpapalit ng taon, pasakit ang pambungad ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) matapos aprubahan ang hirit na dagdag-singil ng Manila Water Company Inc. at Maynilad Water Services Inc. sa mga residente ng Metro Manila at mga karatig lalawigan.
Sa kalatas ng MWSS, nakatakdang ipatupad ang dagdag-singil sa tubig sa unang bahagi ng susunod na taon.
Ayon kay MWSS Chief Regulator Patrick Lester Ty, tataas ng P7.58 per cubic meter ang singil ng Manila Water habang P8.11 per cubic meter naman ang itataas ng Maynilad.
Para sa mga pamilyang ang konsumo ay hanggang 10 cubic meters, tataas na sa P254.83 (mula sa dating P230) ang buwanang singil sa tubig na hatid ng Manila Water Sa mga kabahayan na komukonsumo ng hanggang 20 cubic meters, dagdag P54.79 kada buwan ang papasanin ng mga konsyumer.
Nasa P111.83 naman kung ang konsumo ay 30 cubic meters.
Para sa mga kostumer ng Maynilad, tataas sa P181.59 (mula sa P161) ang buwanang singil kung ang konsumo ay hanggang 10 cubic meters. Sa mga pamilyang ang konsumo ay hanggang 20 cubic meters, tataas ang bayarin sa P682.66 (mula P606.78).
PApalo naman sa P1,394.69 kada buwan sa mga komukonsumo ng hanggang 30 cubic meters.
Paglilinaw ng MWSS, apektado rin sa dagdag-singil ang mga tinaguriang lifeline consumers kabilang ang mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Katwiran ng MWSS, napapanahon nang makabawi ang dalawang kumpanya sa mga ginastos sa mga isinagawang proyekto.
Ayon sa MWSS, nasa P32.7 bilyon ang kakabigin ng Manila Water, habang nasa P47.59 bilyon naman di umano ang hinahabol ng Maynilad.
