SA hangaring tuldukan ang pagsasamantala ng mga masibang negosyanteng kumokontrol at nagdidikta sa presyo ng mga bilihin sa merkado, hinikayat ng pamunuan ng Kamara ang paglikha ng mega task force na tutugis ng mga price manipulators.
Sa pagdinig ng quinta committee ng Kamara, kinondena rin ni House Speaker Martin Romualdez ang sabwatan sa pagitan ng mga negosyanteng sakim ang tiwaling opisyales ng pamahalaan.
Ayon kay Romualdez, malinaw na may sabwatan sa hanay ng importers at traders para manipulahin ang presyo ng bigas sa mga pamilihan sa kabila ng sapat na suplay sa buong bansa.
Giit ng lider ng 300-plus strong members na House of Representatives, isang konkretong hakbang at matibay na paninindigan para durugin ang mga ganid at mapagsamantalang negosyanteng nagpapahirap sa taumbayan.
“The findings of the Quinta Comm expose a serious betrayal of public trust. The Filipino people are paying unnecessarily high prices for rice, which should now be at P35 to P40 per kilo due to oversupply and tariff reductions. This blatant manipulation is unacceptable,” ani Romualdez.
“We will not allow this exploitation to continue. The House of Representatives will dismantle this cartel, ensure accountability, and protect both consumers and our farmers. A call to immediate action is needed to force a decrease in rice prices for the benefit of the Filipino consumer,” dugtong ng gigil na lider ng Kamara.
Kaya naman iminungkahi ng Leyte lawmaker ang pagbuo sa mega task force na bubuuin ng Department of Agriculture (DA), Department of Justice (DoJ), National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Customs (BuCor), Bureau of Internal Revenue (BIR), at Department of Trade and Industry (DTI).
Sa ilalim ng isinusulong na mega task force ang kapangyarihan magsagawa ng inventories, tignan kung sumusunod sa tax laws at iba pang regulasyon, inspeksyon sa mga bodega at ipasara ang mga negosyo o establisyemento sa sandaling makitaan ng bulilyaso.
Para maiwasan ang sabwatan, iminungkahi ng Leyte solon ang buwang pag-uulat ng mega task force sa Kamara.
Samantala, inatasan din ni Romualdez ang quinta comm na paspasan ang paglalatag ng rekomendasyon at pagsusulong ng mga panukalang batas para mapababa ang presyo ng bigas at papanagutin ang mga mapagsamantala.
Hirit din ni Romualdez ang amyenda sa Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.
“This is not just an economic issue—it’s a matter of food security and national stability. The House will use all its powers to hold these cartels accountable, protect our farmers, and bring affordable rice to Filipino households,” dugtong ng lider-kongresista kasabay ng panawagan sa DOJ at Philippine Competition Commission (PCC) na tugisin ang rice smugglers, price manipulators, hoarders at cartels.
“We will not stop until justice is served and the rice industry is free from corruption. The days of exploitation are over. Ang bigas ay buhay. Hindi dapat ito maging laruan ng mga sakim na negosyante. Sisiguraduhin natin na ang bawat butil ay abot-kamay ng pamilyang Pilipino.” (Romeo Allan Butuyan II)
