BILANG handog sa pagdiriwang sa nalalapit na araw ng Pasko, isang programang naglalayong isulong ang kalusugan ng sektor ng kababaihan at mga kabataan ang inilunsad sa bayan ng Tanay sa lalawigan ng Rizal.
Sa isang kalatas ng tanggapan ni Senador Imee Marcos, nasa 500 kababaihan mula sa iba’t ibang barangay ang lumahok sa kauna-unahang Zumbarangay na ginanap sa Ynares Multi-Purpose Gym sa Barangay Kat Bayani.
Para kay Sen. Imee, higit na angkop isulong ang kalusugan sa hanay ng mga kababaihan sa paraan ng pag-eehersisyo at pag-indak, kasabay ng giit na hindi lang pambahay ang mga ginang ng tahanan.
Ayon kay Sen. Imee, layon ng programa sabay na isulong ang adbokasiya ng kalusugan at pagbubuklod ng mga kababaihan.
Pagkatapos ng zumba session, namahagi rin ng gantimpala ang senador sa 39 na kalahok na nagpamalas ng sigla at husay sa pag-indak.
Bukod sa zumba session, bitbit din ng tanggapan ng senador ang isang mobile kitchen na nagpakain ng lugaw at namahagi ng nutribun.
“Lubos kaming nagpapasalamat kay Senator Imee Marcos dahil pinili niyang ilunsad ang Zumbarangay Rizal leg dito sa aming bayan. Hindi matatawaran ang suporta niya sa amin… kalusugan, imprastraktura, kabuhayan, edukasyon turismo, at iba pa,” wika ni Tanay Mayor Lito Tanjuatco.
Samantala, tiniyak ni G. Vic Badaguas na dadalhin ni Sen. Imee ang programang Zumbarangay sa iba pang barangay sa lalawigan ng Rizal.
“Nasa 189 barangay ang Rizal… hindi man natin mabisita ni Senator Imee Marcos lahat ng yan, sigurado naman dadalhin namin ang Zumbarangay sa 14 bayan na sakop ng probinsya – sa tulong ng ni Gobernador Nina Ynares at ng mga alkalde ng bawat bayan,” ani Badaguas na tumayong kinatawan ng senador. (Jimmylyn Velasco)
