
PARA kay Deputy Speaker at Las Piñas City Rep. Camille Villar, responsibilidad ng bawat mamamayan ang pangangalaga sa kalikasan, kasabay ng panawagan para sa sabayang pagkilos sa layong tiyakin may magigisnan pa ang susunod na henerasyon.
“Protecting the environment is everyone’s responsibility. We should all work together to keep our world green and work doubly harder to sustain our gains. Every small step matters,” wika ni Villar sa inagurasyon ng electric vehicle (EV) charging facility sa Vista Mall Bataan.
Bukod kay Villar, na may-ari ng Vistaland Bataan at tumatayong director ng Vista Land and & Lifescapes Inc., kasama rin sa nasabing okasyon ang ama niyang si former Senate President Manny Villar, gayundin sina Bataan Gov. Joet Garcia, Rep. Abet Garcia, Rep. Jette Nisay ng Pusong Pinoy partylist at Balanga Mayor Francis Garcia.
Sa isang pahayag, hinikayat ng batang Villar ang publiko para suportahan ang sabayang pagkilos sa likod ng adbokasiyang naglalayong pangalagaan at protektahan ang kalikasan.
Ayon kay Villar, malaking bentahe ang EV charging facility na may 40kW fast charger na donasyon ng Han Cars. Meron din aniyang dalawang 3.7 kW charger na kaloob naman ng BYD.
Paglilinaw ng kongresista, walang bayad ang paggamit ng mga naturang charging stations na matatagpuan sa Level 1 parking ground ng Vista Mall.
Aniya, layunin ng nasabing proyekto mapalawak ang network ng EV charging stations sa buong Bataan province at bilang pagsuporta na rin sa 1Bataan sustainability program. (Romeo Allan Butuyan II)