HINDI nakalusot sa pagsusuri ng Commission on Audit (COA) ang irregularidad sa likod ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).
Batay sa 2023 audit report, kinuwestiyon ng COA ang Department of Labor and Employment (DOLE) hinggil sa 887 benepisyaryong dalawang ulit kumubra ng pera.
Sa datos ng COA, pumalo sa P18.01 bilyon ang inilaan ng gobyerno para sa naturang programa. Sa naturang halaga P15.87 bilyon ang napunta sa 2.98 milyong unemployed at sa mga benepisyaryong binigyan ng pansamantalang trabaho.
Paglilinaw ng COA, isang beses lang umano pwede bigyan ang benepisyaryo, alinsunod sa umiiral na reglamento.
“Various beneficiaries availed the TUPAD program twice during the year using either their maiden names and married surnames but the same contact numbers and addresses… or different birth dates, misspelled names and numbers but the same addresses,” saad ng COA.
Partikular na tinukoy ng COA ang laganap na bulilyaso sa Metro Manila.
Sa Ilocos Region, ang duplication ng mga benepisyaryo ay inuugnay naman sa “high volume of TUPAD beneficiaries and deficiencies in the control features of the TUPAD Online System” na ginagamit sa pagproseso ng aplikasyon.
Bukod sa Metro Manila at Ilocandia, bistado rin ang kahalintulad na irregularidad sa Davao Region.
Rekomendasyon ng COA sa DOLE – singilin ang mga benepisyaryo na doble ang nakuhang ayuda ng gobyerno.
