SA gitna ng napipintong impeachment bunsod ng paratang ng paglustay sa pondo ng gobyerno, inamin ni Vice President Sara Duterte na pinag-iisipan na niya ang pagtakbo bilang pangulo ng bansa pagsapit ng 2028 presidential election.
Sa dinaluhang meet-and-greet kasama ang mga overseas Filipino workers (OFW) na nakabase sa bansang Japan, inamin ni Duterte sa unang pagkakataon ang plano sa politika sa kabila pa ng nakaambang pagtanggal sa pwesto.
Matapos ihayag ang plano sa 2028, sinalubong ng hiyaw at palakpakan mula sa hanay ng mga OFWs ang pangalawang pangulo.
“We are seriously considering,” wika ni Duterte matapos tablahin ang udyok na maghain ng kandidatura para sa posisyon ng pangulo noong 2022. Gayunpaman, nakumbinsi pa rin si Duterte na tumakbo sa posisyon ng bise-presidente sa ilalim ng UniTeam – katambal ang ngayo’y Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“I really believe that our country will be great… mahirap siyang ipaintindi sa ating mga kababayan, mahirap yung kailangan nating gawin kasi you really had to stand firm especially with government policies para maayos siya pero paniwala ko kung magkaisa lang yung mga tao, alam natin kung saan tayo pupunta, magagawa ng ating bayan,” aniya.
Buwan ng Hunyo ng nakaraang taon nang kumalas sa administrasyong Marcos si Duterte bunsod ng inilunsad na imbestigasyon ng Kamara sa di umano’y paglustay ng hindi bababa sa P612.5 milyong confidentiaL funds na inilaan ng Kongreso sa Office of the Vice President at sa Department of Education sa panahon ng kanyang pamumuno.
