HABANG abala sa halalan ang pamahalaan, labas-pasok naman sa bansa ang mga miyembro ng International Criminal Court (ICC), ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra.
Gayunpaman, walang hayagang sinabi si Guevarra sa posibleng dahilan ng paulit-ulit na pagbisita sa bansa ng mga kinatawan ng ICC.
Una nang umugong ang balita sa umano’y pagsundo ng ICC sa mga tatayong testigo laban kay former President Rodrigo Duterte na nahaharap sa kasong “crimes against humanity” na isinampa ng mga pamilya ng mga biktima ng madugong giyera kontra droga sa ilalim ng nakalipas na administrasyon.
Kabilang sa mga personalidad na nasa ilalim na ng witness protection ng ICC sina Edgar Matobato at Arturo Lascañas na kapwa aminadong miyembro ng tinaguriang Davao Death Squad.
“Well, we have heard reports na in fact ay labas-pasok dito ang mga taga-ICC no, pero wala namang kahit na sino sa kanila na pinigilan ng Immigration dahil hindi naman natin pinagbawalan, na kung iyan ang mandato ninyo na mag-imbestiga, mag-imbestiga kayo,” ani Guevarra.
Nanindigan din si Guevarra sa posisyon ng kasalukuyang administrasyon – hindi pipigilan ang ICC mag-imbestiga, pero walang aasahang tulong mula sa gobyerno ang pandaigdigang husgado.
Taliwas naman sa posisyon ng Palasyo ang pahayag ng Kamara na una nang binigyang pahintulot ang ICC na gamitin sa kaso kontra Duterte ang mga testimonya sa mga isinagawang pagdinig ng quad committee.
