LUBHANG nakakabahala. Ganito ang paglalarawan ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga batang ina sa edad na 10 hanggang 14-anyos.
Sa isang kalatas, ibinahagi rin ni PSA chief at national statistician Claire Dennis Mapa ang datos na sumasaklaw sa mula sa taong sumipa ang COVID-19 pandemic.
Ayon kay Mapa, nasa 10% porsyento ng mga rehistradong panganganak ay mula sa mga inang 14-anyos pababa.
Noong 2020, naitala aniya ng ahensya ang 2,113 batang ina sa ilalim ng naturang kategorya. Pumalo naman sa 2,320 noong 2021 habang umabot sa 3,135 noong 2022. Taong 2023 nang nakapagtala naman ng pagsilang ng sanggol ang nasa 3,343 menor de edad.
Sa datos ng PSA kaugnay ng panganganak ng mga edad 15 hanggang 19 anyos, lumalabas na meron umanong 154,947 ang nagsilang ng sanggol noong 2020. Bahagya naman bumaba sa 133,982 noong 2021 at muling tumaas sa 147,003 noong 2022. Nasa 138,933 naman ang nairekord ng PSA noong 2023.
