MULING nalagay sa sentro ng Senate investigation sa nabistong sabwatan sa pagitan ng mga Chinese nationals na nasa likod ng illegal POGO — at mga tiwaling opisyal ng Bureau of Immigration.
Sa pagpapatuloy ng Senate inquiry, tatlong deported POGO bosses ang hindi umano nakarating sa China.
Para kay Senador Risa Hontiveros, lubhang nakakapagduda ang “sobrang bilis” na deportation process ng tatlong POGO bosses na tila nawalang parang bula pagkatapos sumakay ng eroplano.
Ibinulgar din ni Hontiveros ang “modus” na pinapayagan ng BI na bumili ng airline ticket ang sinumang dayuhan na patatalsikin na mayroong “layover” para patakasin.
“Ang modus daw ay hindi direct flight ang binibili tapos sa layover, naglalaho na parang bula ang mga bosses sa kanilang transit destination,” ayon kay Hontiveros.
Sa pagdinig, iginisa ni Hontiveros ang mga opisyal ng BI hinggil sa pinatalsik na POGO bosses na sina Lyu Xun, Kong Xiangrui, and Wang Shangle — matapos dakpin sa Parañaque.
Partikular na kinuwestiyon ni Hontiveros sina BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan at BI Legal Division Chief Arvin Cesar Santos hinggil sa ticket ng tatlong Chinese nationals para sa pagbabalik sa China.
“If I can recall, yung first, meron pong first three na dineport… Yung ticket po nila, as I can recall, is Air Asia bound for China. Meron po yatang layover,” giit ni Manahan.
“I can’t recall, but… parang Hong Kong,” dagdag niya na tumutukoy sa transit destination.
Inamin ni Manahan na pinakamabilis ang deportasyon ng tatlong POGO bosses sa kasaysayan ng BI at naiproseso sa loob lamang ng dalawang linggo matapos magsagawa ang ahensya ng diyalogo sa arestadong indibiduwal na kung kakayanin nilang pasanin ang pagbiling tiket para sa kanilang deportasyon.
Binanggit din ni Manahan na isang hamon din para sa BI ang pagbili ng tiket sa pagpapatalsik ng arestadong dayuhan mula sa POGOs dahil walang pondo.
“Ito po yung mga challenges ng BI kung saan kukunin po yung mga tickets. Ngayon, there’s a clamor to deport yung mga nahuhuli the soonest and the fastest time,” aniya.
Sinabi pa ni Manahan na madaling napatalsik ang tatlo dahil walang manipestasyon mula sa Chinese embassy na sila ay pawang pugante o may kriminalidad sa China.
“We’ve been coordinating this to the embassy, pero no written letter or no holdings manifested from the Chinese embassy,” aniya.
Aniya pa, wala silang impormasyon kung aktuwal na nakarating ng China ang tatlo kaya kinuwestiyon ni Hontiveros ang BI sa hindi pagmomonitor sa galaw ng sinasabing POGO bosess.
“BI of the Republic of the Philippines orders deportation of 438 persons, including these three, who I think are the Chinese POGO bosses I named. Dapat end-to-end para makumpleto yung deportation process, bakit walang information kung nakarating sila aktwal sa destination nila?” tanong ni Hontiveros.
Lubhang nadismaya si Hontiveros sa impormasyon sa pagsasbing hindi nakamit ang layunin ng deportasyon sa POGO bosses.
“Ito po yung kailangan niyong malaman, sa lahat ng resource persons natin mula sa BI. They never arrived in China. I’m making that of record for the committee. Itong tatlo na pinangalanan ko kanina.. They never arrived in China,” aniya.
“A deportation gone wrong. A simple and regular operation of the Bureau dapat. Hindi pa na-achieve ang objectives,” dagdag ng senador.
Pinarerebyu din ng senador ang patakaran sa deportasyon saka nagbabala na maaaring makabalik ang POGO bosses sa Pilipinas sa kabila ng pagiging blacklisted— sanhi ng kaluwagan sa mga borders.
“If this is the current policy overall regarding deportations, lalo na kaugnay ng POGO, which is arguably the hottest issue na hinarap ng gobyerno in the last year, then I’m telling you, maybe we need to revisit this policy, how it has been implemented so far,” aniya
“Eh baka nga nakabalik na sila o ang mga tulad nila dito sa Pilipinas, tungkol pa rin sa tila, napaka-porous natin ang mga borders. Parang napakadaling takasan o pasukin ng mga kriminal na elemento,” dagdag ng senador. (ESTONG REYES)
