BATAS, hindi dami ng pirma ang batayan ng Kongreso sa usapin ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa isang pahayag, muling nanindigan si Senate President Francis Escudero sa anumang hakbang na naglalayong pabilisin ang proseso sa pagpapatalsik sa pangalawang pangulo.
Aniya, hindi kayang pabilisin ng anumang pirma ang impeachment trial kung hindi naman naaayon sa batas, kasabay ng giit na hindi sapat ang dami ng pirma para pwersahin ang Senado simulan ang impeachment trial.
Ani Escudero, hindi maaaring baguhin o labagin ang batas sa paraan ng pagpapatawag ng impeachment court habang naka-recess ang Senado.
“No amount of signatures will amend the law nor convince me to violate it by convening the impeachment court during recess and without complying with the requisite conditions precedent,” wika ni Escudero.
Hindi aniya angkop na baliin ang batas para pagbigyan ang interes ng mga kapwa politiko.
“The law is not bendable and should not bow to anyone’s dictate simply because of their own desire, bias and timetable of wanting to rush the impeachment proceedings vs. VP Sara…”
Una nang nagpahayag ng kahandaan ang isang grupo mangalap ng isang milyong pirma kada buwan para igiit ang agarang pagsisimula ng impeachment trial laban kay Duterte. (ESTONG REYES)
