
MALING disenyo, mahinang klase ng materyales ang nakikitang dahilan sa likod ng pagbagsak kamakailan ng Cabagan-Sta. Maria Bridge sa lalawigan ng Isabela.
Sa idinaos na regular press briefing sa Palasyo, pinahiwatig ni Undersecretary Claire Castro ang posibilidad na sampahan ng kaso ang mga ang mga opisyales ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Gayunpaman, nilinaw ni Castro na tumatayong Palace Press Officer na hindi rin lusot ang mga DPWH officials sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Taong 2014 nang aprubahan ng yumaong Pangulong Benigno Aquino III ang proyekto. Nang bumaba sa pwesto noong 2016, binago ng administrasyon ni former President Rodrigo Duterte noong 2016 disenyo ng tulay na nagdurugtong sa bayan ng Cabagan at Sta. Maria.
Sa ilalim ni Duterte, si Senador Mark Villar ang nagsilbing Kalihim ng DPWH. Nobenta porsyento ng tulay ay ginawa sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Lumalabas aniya sa imbestigasyon na hindi angkop ang disenyo at kakayahan nito sa malalaking sasakyan.
Pagtitiyak ni Castro, magpapatuloy ang imbestigasyon sa hangaring tukuyin at sampahan ng kaso ang mga responsableng opisyales sa likod ng pumalpak na proyekto.