MISMONG si Speaker Martin Romualdez ang nagbigay ng katiyakan para patuloy na paglalaan ng sapat na pondo sa Philippine Children’s Medical Center (PCMC), sa hangaring mapahusay ang binibigay nitong serbisyo sa sektor ng kabataan.
Para kay Romualdez, maituturing na pamumuhunan ang kalusugan sa PCMC para sa magandang kinabukasan ng mga bata .
Sa isinagawang capsule-laying at groundbreaking ceremony para sa itatayong 20-palapag na Advanced Pediatric Services building ng PCMC bilang bahagi ng bahagi ng Legacy Specialty Hospitals program ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ginawa ni Speaker Romualdez ang nasabing pangako.
Ayon kay Speaker Romualdez, ang pagpapatayo ng iba’t-ibang health facilities ay tiyak na magbibigay ng malaking kapakinabangan sa libu-libong batang may karamdaman.
“Malaking tulong ang pasilidad na ito dahil ating binibigyang-halaga ang buhay at kalusugan ng kabataan, para sa kinabukasan ng bayan,” ani Speaker Romualdez.
“Hindi basta-basta ang proyektong ating sisimulan ngayon. Layunin nating magtayo ng multi-specialty center para gamutin ang pinaka-malalang sakit tulad ng pediatric cancer, brain and spine diseases, at iba pang sakit na kailangan ng masusing pag-aalaga,” dagdag pa niya.
Ipinabatid niya sa mga doktor, nars, administrador, kawani ng ospital, pasyente, pamilya ng mga ito, at iba pang stakeholder na noong nakaraang taon, sa gabay ni Pangulong Marcos, ay naglaan ng pondo ang Kongreso para sa PCMC partikular para sa pagtatayo ng Advanced Comprehensive Center for Pediatric Brain and Spine at Pediatric Cancer Center.
Ang 20-palapag na gusali ay magkakaroon ng 500-bed capacity at moderno at makabagong medical technology.
Magkakaroon din ng Modern Cancer Center at mga subspecialty services gaya ng infectious diseases, nephrology (pangangalaga sa bato), cardiology (pangangalaga sa puso), pulmonology (pangangalaga sa respiratory system), endocrinology (paggamot sa hormonal disorders), neurology (neuro-developmental pediatrics), surgical services, intensive care units para sa mga kritikal na pasyente, at rehabilitation services.
Nagpasalamat si Speaker Romualdez sa mga doktor, nars, at kawani ng PCMC sa kanilang walang pagod na paglilingkod at sakripisyo.
Nagpaabot din ang House Speaker nang pagbati ang ospital para sa ika-45 anibersaryo nito ngayong Martes.
Dumalo rin sa programa sina PCMC Deputy Executive Director for Education, Training and Research Dr. Mary Ann C. Bunyi, PCMC Deputy Executive Director for Hospital Support Services Dr. Cecilia Gan, Quezon City Health Department OIC Dr. Ramona Abarquez, Health Undersecretary Elmer Punzalan, Public Works and Highways Undersecretary Roberto Bernardo, at iba pa. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
