SA hangaring tiyakin ang integridad ng ginanap na halalan, iminungkahi ng mga militanteng miyembro ng Makabayan bloc ang pagsasagawa ng mano-manong bilangan ng boto bunsod ng kabi-kabilang aberyang dulot ng vote counting machines ng Commission on Elections (Comelec).
Sa isang pahayag, kinastigo rin nina Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, dating Bayan Muna Representatives Neri Colmenares at Carlos Isagani Zarate ang umano’y pagpapalit ng software ng mga vote counting machines.
Hamon ng mga militanteng lider sa Comelec, ipaliwanag ang paggamit ng version 3.5 ng vote counting software sa halip na ang version 3.4 na siyang sumailalim sa local source code review at independent certification.
“The discrepancy in hash codes between these versions suggests that the software may have been altered without proper transparency, opening the door to potential fraud and voter disenfranchisement,” wika ni Zarate.
“The only acceptable software during election day should be the one that has passed thorough review and certification. Any unverified updates, especially those that change hash codes, undermine the reliability of our automated elections,” dugtong pa niya.
Iginiit ni Zarate ang kahalagahan na masuri ang software para tiyakin hindi magiging instrumento sa pandaraya sa idinaos na halalan.
Sa panig ni Colmenares, kailangan aniyang isapubliko ng Comelec ang lahat ng impormasyon kaugnay ng pagpapalit nito ng ginagamit na software sa mga makina na mahalaga upang pagtiwalaan ito ng publiko.
“Transparency is key. We need full disclosure on what changes were made, why they were made, and how they affect the election outcomes,” aniya pa.
“It is our right and duty to ensure that every ballot is counted correctly, and that our votes truly reflect the will of the people.”
Ayon naman kay Brosas, higit na angkop alamin ang pagkakaiba o pagkakahalintulad ng dalawang bersyon.
“Ang biglaang paggamit ng bagong bersyon ng software na hindi pa naipapaliwanag nang buo sa publiko ay isang seryosong banta sa integridad ng halalan,” paglalahad ng kongresista.
“Ang anumang pagbabago sa software na hindi ipinaalam o ipinaliwanag ay maaaring gamiting instrumento ng pandaraya. Kung hindi malinaw kung ano ang binago, paano natin mapapanghawakan ang kredibilidad ng resulta?”
