SA bisa ng resolusyon ng National Board of Canvassers (NBOC) pormal nang ipinroklama ng Commission on Elections (Comelec) ang 12 nanalong kandidato sa posisyon ng senador.
Sa isang seremonyang ginanap sa Tent City, sa Manila Hotel sa Maynila, partikular na tinukoy ni Comelec chairman George Garcia ang mga nakapasok sa tinatawag na Magic 12 sina:
- Bong Go
- Bam Aquino
- Bato Dela Rosa
- Erwin Tulfo
- Kiko Pangilinan
- Rodante Marcoleta
- Ping Lacson
- Tito Sotto
- Pia Cayetano
- Camille Villar
- Lito Lapid
- Imee Marcos.
Gayunpaman, hindi nakadalo si Pangilinan na nasa Estados Unidos para dumalo sa pagtatapos ng anak na si Frankie.
Samantala, tiniyak ni Go sa mga mamamayan na hindi nila pagsisisihan ang pagbibigay ng pagkakataon muling pagsilbihan ang bayan.
Sa pagpasok ng 20th Congress, kabilang sa mga isinusulong ng senador, ang komprehensibong reporma sa mga programang pangkalusugan ng pamahalaan, prayoridad sa mga maralita sa mga pagamutan, libreng gamot at gamutan, at iba pang pasok sa kategorya ng universal healthcare.
“Patuloy po nating ilapit ang gobyerno sa tao lalo na ang medical services sa mga mahihirap na pasyente,” wika ni Go sa isang panayam matapos ang proklamasyon.
Binigyang-diin rin ni Go ang wastong paggamit ng pondo ng gobyerno.
“Sa totoo lang, pera naman yan ng taumbayan. At dapat lang na ibalik sa inyo sa pamamagitan ng mabilis, maayos at maaasahan serbisyo na may malasakit sa inyong pangangailangan,” dugtong ng senador.
Batay sa official tally, nakakuha si Go ng 27,121,073 milyong boto, pinakamarami sa kasaysayan ng mga nagdaang halalan para sa posisyon ng senador — mas marami pa kumpara sa tinamong boto ni Robin Padilla noong 2022 senatorial race.
“Let’s buckle down to work. Tapos na ang eleksyon. Mas kailangan po ng mga kababayan natin na magtrabaho na po ang kanilang mga lider. Trabaho kaagad pagkatapos ng eleksyon para walang masasayang na oras,” aniya pa.
“Nagtrabaho lang po ako. Napakahalaga po ito sa akin… ito po ‘yung paghuhusga sa amin kung nagtrabaho ba kami for the past six years, pagtatapos ng mambabatas na punong may-akda ng Malasakit Centers Act.
