
KUMBINSIDO ang Commission on Elections (Comelec) na marami sa mga partylist groups ang sumasakay sa mga patok na teledrama gayundin sa mga programa ng gobyerno, para sumikat — at manalo sa halalan.
Gayunpaman, tiniyak ni Comelec chairman George Garcia na hindi na uubra ang aniya’y estilong trapo sa susunod na eleksyon.
“Hindi na kami papayag sa susunod na accreditation process na gagamit sila ng mga sikat na telenovela na pangalan. Hindi kami papayag na gagamit sila ng mga pangalan ng ayuda. Hindi na po tama yun,” wika ni Garcia.
Higit pa sa pangalan, hahanapan na rin ng Comelec ng adbokasiya ang mga nais maging kinatawan ng napiling sektor ng lipunan.
Para sa Comelec chief, hindi wastong sumasakay sa kasikatan ang mga partylist sa usong teledrama o programa ng gobyerno.
“Sa mga susunod we will no longer allow. If they want accreditation, change the names of their party in accordance with their principles, kung ano ang kanilang plataporma,” payo ng opisyal.
“We will require them, if they wanted accreditation, to change the name of their party in accordance with their principle, in accordance kung ano ‘yung kanilang ipinaglalaban at ano talaga ang plataporma nung mismong partylist organization na yan.”