SA kabila ng maagap na responde ng mga bumbero, hindi na nagawa pang iligtas ang limang indibidwal na binawian ng buhay matapos lamunin ng apoy ang isang maliit na komunidad sa Barangay Buting sa lungsod ng Pasig.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), kabilang sa mga nasawi sa sunog na umabot lang sa unang alarma, ang tatlong batang edad dalawa, 11 at 15-taong gulang.
Ayon sa BFP, dakong alas 11:00 Miyerkules ng gabi nang makatanggap ng tawag ang Pasig City Fire Station hinggil sa insidente ng sunog sa Barangay Buting. Makaraan ang 20 minuto, ganap na naapula ang sunog.
Nasa 89 katao (18 pamilya) ang pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation centers sa lungsod.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon para mabatid ang sanhi ng sunog.
