BAGO pa man tuluyang bumaba sa pwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ganap nang pakikinabangan ng mga mamamayan ang Metro Rail Transit-Line 7, ayon sa Department of Transportation (DOTr).
Sa kalatas ng ahensya, partikular na tinukoy ni Transportation Secretary Vince Dizon ang proyektong MRT – Line 7 na aniya’y nasa 83% completion stage at inaasahang ganap na matatapos pagsapit ng taong 2027.
Para kay Dizon, malaking bentahe ang pagsipa ng operasyon ng MR-7 na babagtas mula North Avenue sa Quezon City hanggang San Jose del Monte sa lalawigan ng Bulacan.
Ibinida rin ng Kalihim ang MRT-7 na aniya’y may mga escalator at elevators sa lahat ng istasyon.
Sa sandaling makumpleto, inaasahan naman ng DOTr chief na maiibsan ng MRT-7 ang mabigat na daloy ng trapiko sa kahabaan ng Commonwealth Ave.
Batay sa pag-aaral ng departamento at sa disenyo ng proyekto, inaasahan aabot sa 600,000 commuters ang makikinabang sa MRT-7.
