HINDI bababa sa P8-milyong halaga ng cellphone at gadgets ang tinangay ng limang hinihinalang miyembro ng bolt-cutter gang matapos sapilitan pasukin kamakailan ang isang establisyemento sa Tondo, Maynila.
Batay sa reklamo ng 27-anyos na negosyante, 525 piraso ng cellphones, bukod pa sa mga gadgets at accessories ang ninakaw ng limang kata (na sakay ng motorsiklo) mula sa kanyang pwesto sa panulukan ng Jose Abad Santos at Bambang dakong alas 2:30 ng madaling araw.
Sa tulong ng CCTV, agad na nadakip nina PSSG Rolando Pascual, Pat. Kemuel Monteclaro at Pat. Marlon Morales ng Moriones Police Station ang dalawa sa limang suspek
Ayon sa paunang imbestigasyon, gumamit ng bolt cutter ang mga suspek para sirain ang kandado ng establisyemento.
Patuloy naman ang isinasagawang follow-up para tuntunin at dakpin ang tatlong iba pa, ayon kay Lt. Col. Alvin Christopher Baybayan na tumatayong hepe ng Moriones Police Station. (ITOH SON)
