IWAS-PUSOY. Ganito ang paglalarawan ni Senate President Francis Escudero kay House Speaker Martin Romualdez sa naudlot na wage hike bill na isinumite sa Senado sa huling araw ng sesyon.
Sa isang pahayag, tinawag na “dead on arrival” ni Escudero ang bersyon ng Kamara sa P200 legislated wage hike bill.
Pebrero ng nakaraang taon pa pinagtibay ng Senado ang P100 legislated wage hike bill.
Itinanggi rin ng Senate President ang alegasyon ni House spokesperson Princess Abante na tahasang sinabi sa isang panayam na pinatay ng senado ang wage hike bill.
Ayon kay Escudero, wala sa senado ang problema kundi nasa Kamara kung saan aniya nagtagal ang pagbalangkas at pagpapatibay ng panukalang across-the-board wage hike.
Gayunpaman, pinagbigyan umano ng senado ang Kamara na nangakong isususmite ang sariling bersyon ng aprubadong panukala pagsapit ng Hunyo 11 — “pero walang dumating hanggang sa matapos ang sesyon.”
“Bakit ba kung kailan huli biglang sasabihin dine-delay namin at wala kaming oras para i-adopt ‘yung kapapadala lang nila. Kung pinadala nila bago kami mag-adjourn noon pa, e ‘di mas madaling pag-usapan ‘yun at mapag-aralan,” ayon kay Escudero.
“Talaga bang ganito na ang gagawin ninyo? ‘Yong impeachment pinadala niyo huling araw na lang ng sesyon namin. Ito ganoon din huling mga araw ng mga sesyon namin tapos ayan na naman kayo, mamadaliin niyo na naman kami na parang kami ang may kasalanan,” aniya.
“Pinasa namin itong wage hike na P100 February 2024, mahigit isang taon nilang inupuan ito. Tapos bigla ngayon sila ‘yung gigil na gigil at nagmamadali,” ayon kay Escudero.
“May proseso kung gusto talaga nilang i-adopt ‘yong bersyon ng Senado. Simpleng mosyon lang ‘yan sa plenaryo ng Kamara at diretso na ‘yan sa opisina ng ating Pangulong Marcos,” dagdag ng lider ng Mataas na Kapulungan.
Kailangan isumite ulit ang legislated increase sa minimum wage at sumailalim muli sa proseso ng pagsasabatas sa 20th Congress.
Ayon kay Escudero, hindi prayoridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang pagtataas ng sahod ng manggagawa sa pribadong sektor sa kabila nang hinahagupit na sunod-sunod na pagtaas ng halaga ng pangunahing bilihin, pagkain at serbisyo tulad ng kuryente at tubig.(ESTONG REYES)
