xr:d:DAFm_Hmg7Dk:2370,j:6942713148225063087,t:24010311
NAIS ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na magkaroon ng karapatan ang bawat miyembro ng Government Service Insurance System (GSIS) na pumili ng isang indibidwal bilang benepisyaryo, sakaling wala silang asawa, magulang, o anak.
Sa inihaing House Bill 351, isinusulong ng Lanao del Sur lawmaker ang pag-amyenda sa Presidential Decree 1146 o ang GSIS Act para magkaroon ng katuparan ang naturang mungkahi.
Ayon kay Adiong, sa ilalim ng kasalukuyang batas, tanging asawa, magulang, o anak lamang ang maaaring italagang benepisyaryo ng isang GSIS member.
Giit niya, hindi dapat maging hadlang ang kawalan ng legal na benepisyaryo upang hindi matamasa GSIS members ang mga benepisyong bunga ng matagal na paghuhulog ng kanilang kontribusyon.
Sinabi ni Adiong na kung papayagan na ang mga miyembro ng GSIS na pumili ng isang indibidwal na kanilang itatalaga bilang benepisyaryo, sakaling wala silang asawa, magulang, o anak, ito’y magbibigay katiyakan na mapapakinabangan pa rin nila ang mga benepisyong naaayon sa kanilang premium contributions.
Dagdag niya, layunin rin ng kanyang HB 351 na kilalanin at bigyang-halaga ang bawat miyembro ng GSIS bilang produktibong bahagi ng lipunan.
Naniniwala si Adiong na ang panukala ay naaayon sa isinusulong na modernisasyon ng GSIS upang maging mas inklusibo at tumugon sa iba’t ibang kalagayan ng bawat miyembro ng ahensya. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
