MATAPOS maglabas ng “reappointment” ang Palasyo para kay Secretary Jay Ruiz bunsod ng kabiguan masungkit ang kumpirmasyon ng Commission on Appointments (CA), usap-usapan sa Palasyo ang pagpasok ng isang retiradong peryodista bilang bagong Kalihim ng Presidential Communication Office (PCO).
Ayon sa isang opisyal sa Malacanang, tinanggap na umano ni Dave Gomez ang alok na pamunuan ang PCO.
Batay sa impormasyong nakalap ng Saksi Pinas, pormal na umanong nagpaalam si Gomez bilang communications director ng Philip Morris – Fortune Tobacco Corporation (PMFTC).
Higit na kilala si Gomez bilang reporter ng Philippine Star sa loob ng 11 taon. Mula sa pagiging diarista, pinasok din ni Gomez ang advertising. Kalaunan, itinalagang director general ng Philippine Information Agency (PIA).
Sa pagpasok ni Gomez, sasalubong sa kanya ang sigalot sa hanay ng iba pang opisyales ng naturang departamento.
Mula nang maluklok sa Palasyo, apat na Kalihim ng PCO na ang hinirang ng Pangulo — sina Atty. Trixie Cruz-Angeles, Atty. Cheloy Velicaria-Garafil, Cesar Chavez, at Jay Ruiz. (LOUIE LEGARDA)
